Monday, July 29, 2013

Tales from My Childhood - Episode 5 (In Tagalog)


Sa mga unang araw ng occupation, hindi kami gaanong salat sa pagkain pero paglampas ng 2 taon, nag-umpisa na ang kalbaryo, ika nga. Meron pa ring machacao na yari sa magandang arina kung may ibibili ka at koneksyon sa panaderya. Nang mga huling buwan ng digmaan nagmemeryenda na kami ng “kastanyog” (inihaw na niyog), pan de sal na gawa sa pinaghalong sisid rice at corn flour (mabantot pa rin!) at kilawing ubod ng saging o water lily. Namatay si Inay noong November, 1944. Ang naghatid sa kanya sa La Loma ay ang tiyo Nanding ko, ang kaibigan niyang si Conrado at ako. Dala namin ang kaisa-isang pumpon ng mga zinnia na abuloy ng flower vendor sa Funeraria Paz. Ang mga nakiramay naman ay naiwan na lang sa Funeraria Paz kasi mahal ang upa sa karetela (wala kaming pambayad). Nang matabunan na ang kabaon ni Inay, nag-uwi ako ng isang zinnia bilang ala-ala sa yumao kong ina.

Mabilis lumipas ang panahon. Tapos na ang liberation. Tag-araw ng 1945. Naisipan kong itanim ang tuyong buto ng zinnia. Nang ang mga tanim ko’y namulaklak, mga kapit-bahay namin ay humanga sa makukulay na zinnia sa bakuran namin kasi hindi pa uso noon ang mga bulaklaking pananim dahil katatapos pa lang ng guerra. Isang araw, natanaw ko ang isang matandang babaeng namimitas ng bulaklak ng zinnia ko sa tabi ng bakuran. Sisigawan ko sana pero pinigil ako ng ale ko. Ipinaala-ala niya na ako man din ay nanalbos sa kamotehan ng kapit-bahay namin (nuong panahon ng hapon) nang hindi nagpapa-alam. Kilala ko at alam kong sa squatter area nakatira ang matandang babae. Naisip kong baka humahanga lang sa ganda ng zinnia ang matanda kaya pinalampas ko na ang insidenteng iyon. Naulit ang pamimitas niya ng zinnia. Hindi na ‘ko kumibo. Isang araw, naparaan ako sa harap ng dampa ng matanda. Nakabukas ang bintana at natatanaw ang munting altar sa loob. Merong kandilang walang sindi sa altar at sa tabi nito ay isang maliit na retrato at garapong puno ng zinnia.

Naitanong ko – sino kaya ang nawala sa buhay niya?

(To be translated and edited)

No comments:

Post a Comment